Naghahanap na umano ng mga paraan ang Estados Unidos upang palakasin ang kakayahan para sa maritime security ng Pilipinas at iba pang alyadong bansa sa Southeast Asia.
Sinabi ito ni US Deputy Assistant Secretary of Defense Lindsey Ford sa isang pagdinig ng US Congress kung saan inilahad ng opisyal ang mga ginagawang pagpapalawak ng China ng presensya nito sa South China Sea.
“While our allies and partners have taken great steps to stand up for our shared vision, the DOD (Department of Defense) is taking an increasingly proactive approach to counter PRC (People’s Republic of China) coercion,” wika ni Ford.
Kaya sa ngayon aniya naghahanap sila ng mga bago ngunit murang mga teknolohiya upang dagdagan ang kapabilidad ng mga alyadong bansa.
Binanggit ni Ford sa pagdinig ng US Congress na posibleng bigyan umano nila ang mga alyadong bansa ng unmanned surface at subsurface systems, umesh networks para sa komunikasyon sa karagatan, undersea sensing at expeditionary logistics capabilities tulad ng 3D printing at modular at-sea resupply.
Bukod sa mga makabagong kagamitan, magbibigay din umano sila ng mga pagsasanay kung paano gagamitin ang mga ito.