Dumarami ang mga Pilipino na nalululong sa online betting, ayon sa resulta ng isang survey na isinagawa ng isang private research and intelligence agency.
Sa ulat ng Bilyonaryo.com, lumabas sa survey ng Capstone-Intel Corp. na nagiging libangan na ngayon ng maraming Pinoy ang pagsusugal online.
Isinagawa umano ang survey noong Mayo 1 hanggang Mayo 11 kung saan ay 1,200 respondent ang lumahok na edad 18 hanggang 65 taong gulang, na kumakatawan sa 17 iba’t ibang rehiyon sa buong bansa.
Base sa survey, lumabas na 64% ng mga Pinoy ang nalululong na umano sa online sugal.
Sa hanay ng mga Pinoy na nasa 18 hanggang 40-anyos, 66% umano ang nalululong sa online betting. Subalit karamihan o majority naman umano ng mga respondent na edad 61 hanggang 65 taong gulang ay walang gaanong interes sa pagsusugal online.
Ayon sa survey, pinakamaraming lalaki (51%) ang lulong sa online betting habang nasa 49% lamang ang mga babae. Lumabas din sa survey na 70% ng mga lalaki ang nagpahayag ng interes sa online betting habang 56% naman ng mga babae ang may parehong interes sa naturang paraan ng pagsusugal.
Nasa 26% umano ang mahilig sa e-casino habang 26% ang tumataya sa online bingo, at 24% ang lulong sa online gaming.
Subalit nalaman din na pinakamaraming `tumatambay’ sa eGames batay sa 38% respondent, kasunod ang OKbet (25%), Bet88 (24%), at eSports Bet (20%)
Para sa ibang Pinoy, nais lamang nilang subukan kung susuwertehin sila sa online betting habang nasa 32% naman ang nagsabing nagkaroon sila ng interes dahil sa hangad na kumita.
Ayon sa Capstone-Intel, lumakas ang mga online betting platform dahil na rin sa internet kung saan ay madali sa mga sugarol ang tumaya gamit lamang ang kanilang computer o cellphone.