Ginugunita ng Simbahan ang Pista ni Santa Teresita ng Saggol na si Hesus sa unang araw ng Oktubre.
Isa siyang simpleng kaluluwa na may angking tatag at lalim na pang-unawa sa buhay espiritwal. Katangi-tangi ang kanyang pagiging masigasig sa gitna ng paghihirap at mga pagsubok na kanyang niyakap nang may buong pagmamahal. Itinuro niya sa buong mundo na ang pagkamit ng kabanalan ay nasa maliliit na paran.
Si Santa Teresita ng Lisieux ay pumasok sa monasteryo ng mga Carmelita sa murang edad. Pumanaw siya sa edad lamang dalawamput apat ngunit nakilala at minahal siya ng buong mundo dahil sa kanyang librong “Kasaysayan ng isang Kaluluwa” na naglalaman ng tinahak niyang landas ng pag-ibig nang walang anumang pag-iimbot.
Si Teresita ay isa sa tatlo lamang na kinikilalang babaeng Doctor of the Church sa mundo. Mula pagkabata ambisyon na niyang maging santo. Nang maging madre napanatag ang kanyang kalooban sa pagpapabanal ng sarili at paglilingkod sa Diyos sa ibat ibang gawain sa monasteryo. Natutunan niyang magkaroon ng lubos na kumpiyansa sa Panginoong Diyos.
Hindi naging madali ang buhay ni Teresita sa loob ng kumbento. Hinusgahan siyang spoiled ng isa sa mga superior niya at naging sentro ng inggit at usap-upan ng ilang kasamahan. Gayunman, nagdesisyon si Teresita na tanggapin ang mga kritisismo nang may saloobin ng pag-ibig sa mga bumabatikos. “Sinusuklian ng pag-ibig ang pag-ibig” ang naging pananggalan niya.
Natanto ni Teresita ang lihim ng kabanalan ay nasa paggawa hindi ng mga dakilang bagay kundi sa maliliit na gawain nang may nag-uumapaw na pagmamahal. Nabuo ang tiwala niya sa kapangyarihan ng pag-ibig. Naniwala si Teresita na walang imposible sa taong tunay na umiibig nang lubusan at nasa payak na mga gawaing puno ng pagmamahal ang totoong kadakilaan.
Samakatuwid, nasa mapagmahal na pagtupad ng tungkulin gaano man kasimple ito matatagpuan ang kabanalan ani Teresita. Maging ang paraan ng pagdarasal turo niya ay dapat maging simple o walang anumang partikular na balangkas. Para kay Teresita, ang panalangin ay pakikipag-usap sa Diyos nang “puso sa puso at damdamin sa damdamin.”
Sa edad na dalawampu’t dalawa nahirang si Teresita bilang Novice Mistress. Nabatid ng kanyang superyora ang kabanalan at kasigasigan ni Teresita kaya’t iniutos nitong isulat niya ang mga karanasan. Sa kanyang talambuhay ipinaliwanag ni Teresita ang ‘Munting Daan’ batay sa utos ni Hesus na manatiling katulad ng mga bata upang matamo ang Kaharian. (Mt. 18:3)
`Di nagtagal nagsimula ang paghihirap at pagtitiis ni Teresita sanhi ng tuberkulosis na dahilan ng kanyang biglaang pagkamatay noong Setyembre 30, 1897. Itinanghal na Santa si Teresita noong 1925 at `Pintakasi ng Iglesya’ noong 1997. Si Teresita ang itinuturing na Patron ng mga Misyon at mga may problema sa baga. Siya ang paboritong santa ni Pope Francis.