Philippines
This article was added by the user . TheWorldNews is not responsible for the content of the platform.

PBBM target murang bilihin sa Pasko – DTI

Tiwala ang Department of Trade and Industry (DTI) na malaking tulong ang pagsuspinde ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa “pass-through” fees na sinisingil ng mga lokal na pamahalaan sa mga biyahero ng produkto upang bumaba ang presyo ng mga bilihin lalo ngayong malapit na ang Kapaskuhan.

Ayon kay DTI Undersecretary Kim Lokin, hindi lang ang mga trucker kundi maging ang mga konsyumer at manufacturer ay makikinabang sa suspensiyon ng “pass-through” fees kapag bumaba ang presyo ng mga bilihin.

“In general, marami po ang natutuwa. I’m sure, hindi lang po iyong mga negosyante. At the end of the day, ang mga consumers po ay matutuwa dito lalo na po dahil malapit na ang Pasko,” wika ni Lokin sa isang news forum sa Quezon City nitong Sabado, Setyembre 30.

Kasabay nito, hinikayat ng opisyal ang mga pamahalaang lokal na sumunod sa Executive Order No. 41 na nagsuspinde sa “pass-through” fees ng mga biyahero ng produkto na dumadaan sa mga national road.

Sabi ni Lokin, dapat gayahin ng iba pang lokal na pamahalaan ang lungsod ng Maynila na nuna nang inanunsyo ang suspensiyon ng sinisingil na “pass-through” fees sa mga trucker matapos ilabas ang kautusan ni Pangulong Marcos.

“Napakalaking bagay po nito and we hope and we encourage and we urge the other LGUs na sana po ay tingnan po nila this way ang EO 41 na ito,” dagdag pa ni Lokin.

Samantala, nagpasalamat din ang Alliance of Concerned Truck Owners and Organizations (ACTOO) sa ginawang hakbang ng Malacañang na malaking kabawasan umano sa gastos nila.

Ayon kay ACTOO vice president Rina Papa, nasa 30% ng gastos ng mga trucker ang napupunta sa “pass-throug” fees at kapag inalis ito ay maaaring bumaba naman ang presyo ng mga produkto.