Philippines
This article was added by the user . TheWorldNews is not responsible for the content of the platform.

NBI, pulis, sundalo gamitin kesa spy fund – Lagman

Muling iginiit ni Albay Rep. Edcel Lagman na hindi kailangan ang mga confidential fund ng mga ahensiya ng gobyerno na wala namang kinalaman sa sa intelligence gathering.

“Definitely, the country can go ahead without confidential funds. Pero itong intelligence funds, kailangan ito sa mga ahensiya na engaged in gathering intelligence,” ayon kay Lagman sa panayam ng Teleradyo Serbisyo.

Ayon sa kongresista, may mga ahensiya na hindi kailangan ng confidential fund tulad ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at Office of the Solicitor-General (OSG).

“Kung kailangan nila ng surveillance, bakit hindi i-avail `yung services ng NBI. Kapares din ng DICT. Kung kailangan nila mag-avail ng services for surveillance purposes, andiyan ang PNP, andiyan ang military, at andiyan ang NBI,” ayon pa kay Lagman.

Naging mainit ang usapin sa mga confidential and intelligence fund (CIF) sa pagtalakay ng Kamara sa panukalang national budget para sa 2024 matapos kuwestiyunin ng Makabayan bloc ang nasa P125 milyong CIF ng Office of the Vice President (OVP) noong 2022.

Samantala, tiniyak ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang pagrepaso ng CIF oras na isinumite na sa Senado ang panukalang budget para sa susunod na taon.

Inaprubahan na ng Kamara ang 2024 national budget bago ang congressional break nitong nagdaang linggo.

Tulad ng plano ng Kamara na re-alignment sa CIF sa ilalim ng panukalang budget, sinabi ni Zubiri na nagkaroon na rin umano ng inisyal na pag-uusap ang mga senador para sa gagawing budget realignment.

Subalit hindi pa masabi ni Zubiri kung anong mga ahensiya ang maaapektuhan ng realignment dahil hihintayin pa umano nilang isumite ng Kamara ang inaprubahang budget sa pagbabalik sesyon ng Kongreso sa Nobyembre.

Una nang sinabi ni House committee on appropriations senior vice chair at Marikina City Rep. Stella Quimbo na 10 ahensiya ang maaapektuhan ng planong realignment ng Kamara sa CIF at kabilang dito ang OVP at Department of Education (DepEd).

Plano ng Kamara na ilipat ang CIF sa mga ahensiyang nakatutok sa intelligence at surveillance activities. (Eralyn Prado)