Napanatili ng bagyong Jenny ang lakas nito subalit bumagal ang paggalaw, ayon sa pinakahuling tropical cyclone bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).
Base sa bulletin ng Pagasa alas-singko ng hapon nitong Sabado, Setyembre 30, bumagal ang pagkilos ng bagyong Jenny habang tinutumbok ang direksiyon ng Philippine Sea.
Huling namataan umano ang sentro ng bagyo dakong alas-kuwatro ng hapon na nasa 995 kilometro silangan ng Central Luzon.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hangin na 65 kilometer per hour malapit sa sentro at pagbugso na hanggang 80km/h.
Nagbabala ang Pagasa na posibleng makaranas ng malakas na pag-ulan sa dulong bahagi ng Northern Luzon, partikular sa Batanes at Babuyan Islands na maaaring maranasan sa Martes o Miyerkoles.
Palalakasin din umano ng bagyo ang hanging habagat na magdudulot ng mga pag-ulan sa ilang bahagi ng Southern Luzon at Visayas ngayong Linggo, Oktubre 1.
Ayon sa Pagasa, maaaring magkaroon ng landfall ang bagyong Jenny sa pinakadulong bahagi ng Northern Luzon o sa Cagayan.