Curious ako noon pa man tungkol sa solar energy at sabi nga nila ito ang magandang solusyon sa mataas na singil sa kuryente.
Kasi nga naman, habang tumatagal hindi naman bumaba ang electricity rates lalo pa ngang tumataas. Wala akong matandaan na bumaba ang electric bills, kada buwan lalo pa nga itong tumaas partikular ngayong taon na ito na talaga dumoble ang bills namin.
Dahil El Niño nga ngayon, inaasahan naman naming tataas pero nagulat kami dahil ang dating average na P4,500, nag-average kami ng P6,000 to P7,000 kada buwan. Whew! Kaya nga doon ako napaisip na bakit hindi namin subukang mag-invest sa solar power.
Hanggang sa isang kamag-anak na ang negosyo ay solar energy ang nag-offer sa amin at nakumbinsi naman kami sa kanyang paliwanag. Dahil ganoon ang average ng bill namin kada buwan, kung kukuha kami, 3kwh lang kailangan ng solar power at sapat na para paandarin ang aming appliances sa bahay.
Matapos pag-aralan mabuti ang bentahe ng solar energy bukod sa paliwanag ng nag-offer sa amin, kumagat kami. Nag-invest kami. Medyo malaki, P180,000 lahat-lahat pero sabi nga good investment ito pero lifetime naman ang pakinabang.
Medyo matagal lang ang proseso lalo na sa pagkabit ng net metering ng solar dahil ang daming requirement na kailangan lalo na sa pagpapa-approve nito sa local electric cooperative, sa city hall, sa Energy Regulatory Commission at kung ano-ano pa.
Sobrang daming proseso, mabusisi kaya tumagal ng walong buwan bago maaprubahan ang lahat-lahat, lalo na ang Renewable Energy Certificate o (REC) at net metering. Ang REC ang nagha-harvest ng solar energy.
Sa mga nagdaang buwan, bahagya pa lamang ang bawas ng aming bill, P1,000 hanggang P1,500. Ngayong kumpleto at naikabit na ang lahat ng kailangan, umaasa kaming bababa na ng hanggang 80% ang aming bill sa kuryente. Sana.
Ang mga na-harvest kasing solar energy, kapag na-compute iyon, ibabawas naman iyon sa nakunsumo naming kuryente mula sa Pampanga Electric Cooperative (PELCO) II. Sa susunod na buwan namin malaman kung gaano kalaki talaga ang matitipid namin gamit ang solar energy na ito.
Sa tingin ko naman totoong makakatipid dahil marami na rin kaming kakilala na nagsabing malaki ang natipid nila. Ang iba pa nga zero billing. Ang kagandahan lang ng may solar, kahit pagsabayin mo ang appliances mo (aircon, washing machine, etc.) hindi kakarga sa metro mo kasi ang ginagamit mong enerhiya ay mula sa araw.
Mabigat sa bulsa dahil malaki ang puhunan pero naniniwala kaming malaking ginhawa ang idudulot nito sa amin. In short, malaking kabawasan sa aming mga bayarin. Good investment sabi nga nila.